top of page

Jourly C. Ranque | Edukasyon sa Gitna ng Pandemya: Ipagpapatuloy Ba o Ipagpapaliban Muna?

Updated: Dec 13, 2021

Pyesa ng Patimpalak sa Balagtasan 2020

Upper Dimorok ES, Molave, Zamboanga del Sur

Lakandiwa

Ako po ang inyong punong lakandiwa

Magpapakila ng dalawang manunula

Sa araw na ito kanilang paglababanan ang paksa

Na nakakaapekto sa edukasyon sa atin at sa ibang bansa


Edukasyon sa Gitna ng Pandemya: Ipagpatuloy ba? O Ipagpapaliban

Muna—Ito ang paksang kanilang pagtatalunan sa inyong harapan

Sa aking kana’y edukasyon ipagpapatuloy niya

Sa aking kaliwa’y edukasyon ipagpapaliban muna


Upang ating matanto ang kanilang pagtatalo

Ating isipi’t isaalang-alang ang bawat punto

Dalawang mambabalagtas ay tatawagin ko

Ba’t ba ang edukasyon ipagpapatuloy o ipagpapaliban niyo?


Mambabalagtas 1 (Unang Tindig)

Magandang araw sa minamahal kong madla

Ako’y nandirito upang ipaglaban ang edukasyon ng mga bata

Ika nga sandata sa buhay ang edukasyon

Kaya sa gitna ng pandemiya ipagpatuloy ang misyon


Mambabalagtas 2 (Unang Tugon)

Nandirito ako upang ipaglaban ang panig ninyo

Edukasyon sa mga kabataan, dapat ipagpapaliban muna ito

Kahandaan, kalusugan, at kaligtasan dapat isa alang-alang

Sa paraang ‘to, tunay na edukasyon ay maisasakatuparan


Mambabalagtas 1 (Pangalawang Tindig)

Ang kaalaman sa bawat isa’y mahalaga

Ito’y ‘di madudukot ni manakaw sa iba

Kung ito’y mahihinto o maipagpapaliban muna

Tiyak mangmang at walang alam, madaragdagan pa


Mambabalagtas 2 (Pangalawang Tugon)

Gaano ba kahanda ang ahensyang ito?

Modyul, RBI, at TVI, handa na ba sa paaralan nyo?

Pagkakanoketa sa internet para sa online, nakakasiguro ba kayo?

Hay naku! Bakuna muna bago ang eskwela nyo


Mga guro at magulang, ito ang hamon sa kanila

‘Di nga marunong magkwenta, bumasa’t sumulat ang mga anak nila

Kahit sa araw-araw palaging nag-eeskwela.

Paano na kaya kung mag-aaral lamang sa bahay nila?


Mambabalagtas 1 (Pangatlong Tindig)

Ang mga isyung ito, mga paraan ginagawan na

Marami ng mga plano at plataporma ang nailunsad na

Sulong Edukalidad magpapatuloy upang maihanda natin ang sistema

Learning Continuity plan tutugon sa hamon sa edukasyon sa bansa


Mga guro at paaralan natin tiyak handa na

Webinar dito, webinar doon sa umaga’t maghapon ginagawa nila

Pati magulang sa webinar sinasali’t tinuturuan na

Upang may kaalaman kung paano tuturuan ang mga bata sa bahay nila


Mambabalagtas 2 (Pangatlong Tugon)

Mula’ noon hanggang ngayon

Maraming pa ring problema sa hanay ng edukasyon

Napakalaki nga ng badyet, marami namang nangungupit

Kaya ‘di tiyak ang mga programa’t platapormang pinipilit


Mga piniprintang modyul, pagkatapos gamitin, saan ba mapupunta?

Kung ito’y nagamit at nasira na ng iba

Sayang ang pera kung aklat pa sana

Tiyak magagamit at mapakikinabangan sa susunod na mga bata


Paglalagom ng Mambabalagtas 1

Pagtitiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ‘di isinantabi Paghahatid sa publiko ng tamang serbisyo at iwasan ang pagkakahati-hati.

Pag-unawa at pagmamahal, malulutas ang mga hamong ito

Pagpapatuloy sa edukasyon ay ‘di imposible kung magkakaisa tayo


Paglalagom ng Mambabalagtas 2

Ihahanda muna ang lahat bago kumasa ng banat

Na ang pinaglalaanan na badyet ay mahusay at mapakikinabangan ng lahat Pagpapaliban sa klase’t sistema muna ang asikasuhin

Sa ganitong paraan, tunay at epektibong edukasyo'y makamit at maangkin


Pagtatapos ng Lakandiwa

Saan nga ba hahantong ang takbong ito?

Kapwa ang dalawa may katwira’t kuro-kuro

Edukasyon sa kabataan kapwa nagiging sentro

Sa gitna ng pandemya, ipagpapatuloy man o ipagpapaliban muna ito


Sino’ng dapat na tanghaling kampyon nitong balagtasan?

Walang dudang kapwa sila magagaling mangatwiran,

Kaya itong aking pasya: Sila’y patas, tabla lamang,

Paulanan natin, malutong at masigabong palakpakan!


Jourly C. Ranque is an elementary school teacher for almost 16 years now. Presently assigned at Upper Dimorok Elementary School, he actively participates in in- and inter-campus journalistic activities. A learning enthusiast, Jourly is eager to broaden his horizon while appreciating the beauty around him.



About the piece


"Ang piyesang ito ay isang Balagtasan tungkol sa naghati-hating opinyon at haka-haka tungkol sa pagbubukas ng klase noong nakaraang taon kung kailan bago pa nagsisimula ang pandemya. Maraming mga tao na hati ang kanilang katayuan kung magbubukas ng klase o hindi."

–Note from the author



Comments


Fundraisers

©2021 by Dalit and the respective writers.

bottom of page