Kimverly F. Namuag | Kanlungan
- Dalit Zamboanga del Sur
- Jul 12, 2021
- 2 min read
Updated: Dec 11, 2021
"Neng, bumangon na't maligo. Nakahanda na ang agahan!"
'Yan ang palaging bungad ni lola sa umaga kasabay ang pagtilaok ng mga manok sa bakuran.
Datapwat nanaisin ko pa ring matulog at damhin ang lamig ng hanging sinasayaw ang mga puno at kasabay nito ang tinig ng mga ibon.
Tila 'di rin mawawala ang musika mula sa radyong inaagiw na.
Nanunuot na amoy ng aroma ay kaysarap langhapin sabay tanaw sa hamog mula sa ulap na singkapal ng kumot na pinaglumaan na.
Kasabay rin sa almusal ang mga kwento ng kabataan ni lola na nagpapasarap sa mga pagkaing nasa hapag sanhi ng tawanan,
kaya habang naglalakbay sa mabatong daan patungong paaralan, dala ko pa rin ang mga ngiting alay niya.
Kung sa pagpasok nama'y presko ang postura, pag-uwi nama'y balot ng pawis at katawa'y sobrang dungis.
Bagamat kahit gano'n ang buhay araw-araw, ramdam pa rin sa puso ang ligayang walang kapantay.
Bukod tanging hiling ko lang na sana lahat ng ito'y manatili.
"Ma'am, ayos ka lang?"
Sambit ng binatang nagtatrabaho sa kapehang lagi kong tambayan.
"Naku! Ayos lang, iho," sagot ko at ginawaran na lamang siya ng tipid na ngiti.
Hindi ko namalayang ilang oras na pala akong tulala sa aking pagbabalik-tanaw sa nakaraang kaysarap balikan,
nakaraang dala ko kahit saang lupalop magpunta,
nakaraang masaya, simple.
Ako pa rin naman ang bata noon,
pero kung dati'y sugat sa tuhod lamang ang sanhi ng aking pagtangis,
ngayo'y ang mga hamon sa buhay ang yumayakap sa akin na kahit nakangiti buong araw hindi pa rin makakatakas sa lungkot tuwing sasapit ang gabi.
Kung may hihilingin man ulit ako, nawa'y hindi masama ang loob ni lola sa aking paglisan.
Babalik ako, 'La, kahit wala ka na.
Babalik ako, aking kanlungan.

Kimverly F. Namuag is a first-year BS Nursing student at JHCSC. She is an old-schooled person, an aspiring writer, and a member of her school's literary circle Alampat.




Comments